Originally posted on October 8, 2012.
Alas-9 ng umaga, Enero ng taong 2008. Nananahimik ako sa bahay nun nang narinig kong tumunog ang cellphone ni Mother Earth. Sinagot niya ito. Ang mga sumunod kong narinig ay magkakadugtong na…”Ha?!”…”Ganun ba?!”…”Naku naman!”…”Sige”…”Magtawagan na lang tayo.” Pagbaba ng telepono, bungad sakin ni mudra, “Tara, P. Ipag-drive mo ako sa PGH.”
Papunta sa PGH ay kinwento sa akin ni mudrabels ang back story ng kanyang earlier conversation. Ang karumal dumal na pangyayari – May pinsang buo ang mommy na taga-Davao. Itago na lamang natin siya sa ngalang “Tito R”. Lumuwas ito pa-Maynila para dito mag-celebrate ng Pasko. Madaling araw nung araw na yun, natagpuan si Tito R sa loob ng kanyang kwarto sa isang Pension Inn sa Malate, Manila…wala nang buhay. May humingi daw ng saklolo sa front desk at dali-daling dinala si Tito R sa PGH ngunit dead on arrival na siya. Ang cause of death – heart attack.
Pupusta akong madaming katanungan ang naglalaro sa mga isip niyo ngayon.
Sino ang tumawag sa mommy? | Si Tita M, kapatid ng namayapa. |
Matagal na bang may sakit si Tito R? | Nagka-polio siya pero healthy naman daw in general. |
May kasama bang lumuwas si Tito R? | Eto ang juicy…OO! |
Sino? | Mas juicy…Isang babaeng nagngangalang Jocelyn. |
Sino si Jocelyn? | “Assistant/Yaya/Nurse” ni Tito R. |
Direchahan na…Bakit kaya siya inatake sa puso nang madaling araw sa isang Pension Inn kasama si Jocelyn? Ano kayang naganap nang mga oras na yun? | Hindi ko alam…kanya-kanya na lang tayo ng suspecha…(ayoko ma-cyber crime act noh!) |
Pagdating sa PGH, tinanong ni mudra sa nurse station ng ER kung nasaan si Tito R. Nasa morgue na raw. Takbo kami sa morgue. Pagdating dun, malakas na binigkas ni mother ang pangalan ni Tito R. Siya kasi ang magcclaim sa katawan. Isang batingaw (bell) pala ang pangalan ng Tito R! Unti-unti, parang mga buwitreng nagsilapitan ang mga kalalakihan sa amin. Kinabahan kami kung ano’ng susunod na mangyayari. Yun pala…
“Ma’am, sa Funeraria Paz po ako. Bigyan po namin kayo ng discount!”
“Ma’am, Funeraria Rey na lang po! Mas makakamura kayo.”
“Ma’am, kayo po pala kay Mr. R. Funeraria Floresco na lang po kunin niyo.
Aaasikasuhin ho namin kayong mabuti.”
Inaaaay! Agawang-base pala itey! “Teka!!!”, sigaw ni mudra. “Di ko pa nga nakikita ang pinsan ko e!” Pumasok muna siya sa loob ng morgue. Sa isang sulok doon nakita naming nakaupo at umiiyak si Jocelyn.
“Ma’am! Aku pu si Jusilin, yung kasama pu ni Ser R. Dili ku pu alam ang nangyare. Basta nung gineseng ku pu si Ser, ayaw na pu. Kaya gin-tawag ku pu yung mga tau sa baba. Mababaet naman pu sila kay tinolongan nela aku magaponta ditu sa uspetal.”
Tinginan kami ni mudra. Mahihirapan tayo dito. JUSME JUSILIN!!!
Sa madaling salita, matapus (este matapos) ang negusasyun (este negosasyon), the winner is FUNERARIA FLORESCO! Sila na raw ang maghahatid ng bangkay mula PGH hanggang funeraria. In fact, naka-standby na nga raw ang sasakyan nila. Sila na rin ang mag-aasikaso ng pagdadala kay Tito R pabalik sa Davao. Ok na ang plano. Dun na lang magkikita-kita sa Funeraria Floresco. Until…
Mang B (of Funeraria Floreco):
Ma’am, kailangan pong isa sa
inyo ang sumama sa patay papuntang funeraria.
Mudra (mabilis pa sa alas-kwatro):
P, ikaw na sumama!
Ako na magmamaneho ng koche kasama si Jusilin.
P: Pero…
(Tinalikuran na ako ng nanay ko. Di na ako naka-apila.)
INAAAAY! Inescortan ako ng driver ng funeraria at isang assistant. Kitang-kita ko na pinasok sa Fiera ang stretcher kung saan nakahiga si Tito R. May nakatalukbong lang na kumot. Una paa.
Unang sumakay ang driver sa harap. Sa gitna daw ako pupuwesto. Pagkita ko sa uupuan, gusto ko na lumuha at umatras! Walang harang sa pagitan ng upuan namin sa harap at kay Tito R sa likod! Dios ko pong mahabagin! Idakma ko lang ang kamay ko patalikod, makakapa ko na ang kalyo sa mga paa ni Tito R! Hindi pa naman kami close! Pero wala na akong nagawa. Nauna na sina mother at inipit na ako nung isang assistant. Mula PGH hanggang umabot sa funeraria, isa lang ang pinagdarasal ko — wag na wag pepreno nang malakas ang driver at tiyak na susubsob sa batok ko ang hinlalaki ni Tito R!!!
Awa ng Dios, nakarating kaming funeral parlor nang hindi ako natatadyakan ng malamig na paa. Thank you Lord! Mahal niyo pa ‘ko! Sabi ni Bea sa The Mistress, “Walang babaeng pinangarap maging kabit.”
Pwes, Bea, wala ring babaeng pinangarap maging sepak takraw ng bangkay!
Sa funeraria, si Jusilin naman ang umeksena. “Ma’am, sabi pu ni Ser R, magaponta raw kame deto sa Maynela. Deto raw kame mag-Pasku ba. Semple lang naman ang gosto ni-ya. Magbele lang daw kame ng supdrenk. Tapos maga-ponta kame sa Quiapo ba. Bele kame dun ng Iksilinti Ham. (HUWAAAT?! IKSILINTI HAM?!) Tapos yun na raw pu ang Nuchi Buina namen. Ma’am, waray pu akung pira pauli ng Dabau. Tolongan niyu pu aku.”
Habang inaayos ang Tito R sa funeraria, nagpasama kami kay Jusilin pabalik ng Pension Inn. Pagpasok namin sa kwarto, ayos naman. Dalawa, oo dalawa, ang kama. (Hinga SLIGHTLY nang malalim) May mga nakakalat na sapatos at damit. Normal. Pero pagpasok namin sa banyo, INAAAY ULIT! Nakasabit ang mga panty at bra na pinapatuyo ni Jusilin! Anak ng &*%! Sige, deadma lang. May pinagbilin kasi ang Tita M sa mommy. Weirdong request. Hanapin daw namin ang sapatos ni Tito R. Bakeeet?! E hindi naman sinasapatusan ang patay noh! In short, nakita naman namin. Kinalikot ni mudra. (Eeeew!) And lo and behold, may isang bungkos na salapi sa loob ng sapatos!
Siguro mga P20,000 din yun! Sa loob loob siguro ni Jusilin, “Sayang! Di ko alam yun ah!”
Sa loob loob naman ni Mother Earth, “Ayos! Di na ko mag-aabono ng pamasahe ni Jusilin!”
To make a long story longer, natapos ang araw bandang alas-12 ng hatinggabi. Dumating na rin si Tita M para sunduin ang katawan ni Tito R. Si Jusilin ay nabilhan namin ng tiket at hinatid sa airport papuntang Dabau. Masaya ang Funeraria Floresco. Pagod si Mother Earth. Si P naman, traumatized. Di maka-recover na bumiyahe akong 6-inches lang ang pagitan ng likod ko sa kuko sa paa ng isang bangkay. Ngayon ko masasabing CLOSE na kami ni Tito R.
(pics from google images)
Hahaha. At 12:17am, tawa ako ng tawa, Atty. P! 😀
Winner ka talaga po magkwento eh. Haha
Pag nakasalubong ko po talaga kayo eh hindi ako mahihiyang magpa celebrity pin-up! :-p
Hahaha! Naku sana magkasalubong nga tayo soon!
Malaki nga at bakal pa kaya very secure! 🙂
kaloka…siguro laki ng sobra ng sapatos ni tito R pra me space ang pera hehehe!
wow, what a day! buti nalang naunahan nyo si jusilin sa Php20k haha! condolence nga pala sa pamilya ni tito r. hope okay ka na after your close encounter with the dead =)
Para akong baliw, tumatawa nang mag-isa dito sa office. 🙂
Salamat, Em! Ang nanay ko kasi, kung saan-saan ako kinakaladkad e. Haha!
Sakit ng panga ko sa kakatawa, P! Winner! 🙂