Bisperas na ng Pasko!!! Handa na ba ang pang-noche buena? Kung hindi pa, aba, takbo na sa palengke dahil half day ang malls ngayon. Eh ang mga aguinaldo ng bagets, ready na rin ba? Tiyak na sulit ang pagod at gastos sa ngiti at excitement ng mga bata pag nabuksan na nila ang regalo ni “Santa Claus.”
Ang tanong, naniniwala pa ba ang mga bagets ngayon kay Santa Claus? Ako kasi noong bata, paniwalang paniwala ako. Nagsusulat ako kay Santa ng mga hiling ko. Malabong umabot ang sulat ko sa North Pole. Baka di nga yun umabot ng Bacoor Post Office e.
Naghahanda pa nga ako ng cookies and milk…pero yung cookies ko Hi-Ro lang bilang yun ang madalas kong baon. Wala naman akong narining na reklamo kay Santa Claus.
Pinipilit ko ring magising hanggang 12 midnight kasi gusto kong abutan si Santa pag hinatid na niya ang regalo ko. Suot ko pa ang lace at velvet dress ko para ma-impress siya. Ang kaso, pagpatak ng 10 PM, automatic shutdown ang musmos kong katawan.
So kelan ko na-realize na hindi naman pala si Santa Claus ang nagbibigay sa akin ng regalo? Mga 9 years old ata ako. Sinulatan ko si Santa na gustong gustong gusto ko ng bisikleta. ‘Yun lang ang wish ko. Wala nang iba. Kasi gusto ko wala na siyang pagpipilian. No choice na kung baga. As usual, pagpatak ng 10 PM, nakatulog na ako. Ginising ako mga 12:30 AM, bukasan na raw ng regalo!
Inilabas ni Mother Earth at Father Thunder ang isang malaking “bagay” galing sa ilalim ng hagdan. Nakabalot ito ng tela. Nang tanggalin ang balot, HUWOW!!! Nanlaki ang mga mata ko!!! Nakita ko ang pinakamagandang pulang bisikleta sa buong universe!!! Nagtatatalon ako sa tuwa! Agad kong sinakyan…sa loob ng sala ha! Juskopo. Ang saya ko lang talaga.
At nang mapagod at mahimasmasan…
Nagnilay-nilay ako…
Bakit kaya di man lang nag-effort ‘tong si Santa Claus balutin ang bike ko. Eh ang dami naman niyang elves. Atsaka bakit tuwalya lang ang pinangtaklob? Ang tuwalya pa, hindi kulay Pasko – pula at blue na may tatak na “PHILIPPINE TEAM”. Kamukhang kamukha nga yun ng tuwalya ng Kuyakoy ko e. Ganung ganun.
HALA!!! Alangan namang may “Philippine Team” towel si Santa Claus? I’m sure may “North Pole Team” din naman siyang sinusuportahan.
At sa puntong ‘yun, noong 9 years old ako, namulat sa katotohanan, na si Santa Claus ay walang iba kundi sina Mother Earth at Father Thunder lang pala.
Kaya sa mga mommies at daddies, kung may konting oras pa kayo, try niyo namang balutin nang maayos ang gifts ng mga junakis. Pahabain naman natin nang kaunti ang childhood nila. 😉
MALIGAYANG PASKO SA ATING LAHAT!!! O siya, at magluluto pa ako ng Noche Buena. Babu! 😉
Leave a Reply