Maganda si KC Concepcion. Matangos ang ilong, mestiza, maputi, etc. Pero ang masasabi ko lang, LEVEL LANG KAMI!
Ops, ‘wag violent ang reaction. Sinabi ko bang level sa ganda?! Maganda rin naman ako, alam ko. ‘Yan ang paulit-ulit na sinasabi sa akin ni Mother Earth. Pero hindi man ako sing-gorgeous ni KC, sing-swerte ko naman siya…sa Yaya.
Kamakailan, nag-post si KC ng picture nila ni Nanay Lina, who has served their family for over 30 years.
Aba, papahuli ba ako?! Introducing, da best, da original…meet Nanay Flora!
Halos 40 years nang nasa amin si Nanay. Siya na ang nag-alaga sa aming tatlo, mula kay Kuyakoy, Atekupungsingsing at sa akin. At nang matatanda na kami, lumipat siya sa kabilang bahay para si Lola Ninang naman aalagaan niya.
Hindi na rin nakapag-asawa si Nanay. Kahit binubuyo namin siya makipag-date, ayaw! Mas masaya na siyang nasa bahay. Papayag lang siya gumala kung pupunta sa SM o tataya sa lotto. Hehe.
Sa pamilya namin, hindi masyadong uso ang bigayan ng regalo pag birthday. Pero ang Nanay Flora, by hook or by crook, may babalutin at iaabot siyang regalo. Simple lang ang regalo niya pero madalas, yun ang pinaka-kailangan namin, tulad ng sabon, shampoo at napkin. 😉
Last year, nang pumanaw si Lola Ninang, sobrang lungkot ni Nanay. Tandang-tanda ko, nang bumalik kami galing ospital, nakaabang siya sa pintuan. Niyakap niya ako nang mahigpit at bumulong, “Wala na ang Lola mo. Wala na akong aalagaan. ‘Wag mo ko pababayaan ha.”
Natatakot pala siya na pauuwiin na namin siya sa probinsya.
Hindi ako nakasagot. Hindi kasi ako makapaniwala na maiisip at sasabihin niya yun. Paano namin siya pauuwiin? Paano namin magagawa ‘yun sa kanya? E siya itong gumanap na pangalawang nanay naming magkakapatid. Imposible.
Nagpapasalamat ako sa’yo, Nanay Flora. Hindi lang para sa dekada ng tapat na paninilbihan, kundi sa sobra-sobra mong pagmamahal at pag-aaruga sa amin. Tinuring mo kaming anak…at anak mo na talaga kami.
Sa ibinulong mo sa akin noong araw na mawala si Lola Ninang, ito ang sagot ko…”Dito ka lang sa amin, Nanay. Pero hindi mo na kami aalagaan. Kasi ngayon, kami naman ang mag-aalaga sa’yo.”
We labs you, Naynay!!!
I came here for the witty, crazy and kulit posts. I didn’t expect to be crying now. Good on you, P!
Aww nakaka touch naman ‘to :”)