Naalala ko pa mga ilang araw bago mag-People Power, may putukan ng baril akong narinig sa labas ng bahay. Sa labas ng bintana may mga tumatakbong mga sundalo. Sunod sunod na six by six ang mga dumadaan sa kalsada. Madilim ang paligid, walang ilaw, walang tubig, magulo.
Tiningnan ko ang tatay ko habang nakasilip sa bintana, “anong nangyayari, Daddy?” Ang sagot niya, “may coup d’etat!” “Ano yun?” Tanong ko sabay lapit sa kanya dahil sa takot.
“May mga nag-babarilan anak, kaya bawal kayo lumabas.”
“Sasali ka ba, Daddy?”
In a stern voice, “kung tatawagin.”
Nagdasal ako, “Lord, ‘wag niyo na po sana siya ipatawag.”
Galing palang operasyon ang Daddy ko. Na-ambush sa Samar ng mga NPA. May mga balang pumasok sa katawan at nakabalot ng cast ang kanang paa. Hindi makalakad at hindi handang sumabak sa laban.
Masama mang isipin pero noong na-ambush ang ama ko, naging masaya ako. Masaya ako dahil andun siya sa tabi ko… Kasama ang nanay at kapatid ko. Kasama namin siya habang nagkakagulo. At higit sa lahat, hindi na niya kailangan lumaban. Pero kitang kita ko sa mga mata niya na gusto niyang lumaban. Kawal siya sa utak at sa puso. Alam niyang may obligasyon siya sa bayan at nalulungkot siyang hindi niya magampanan ang tungkulin na ito.
Yan ang ama ko na hanggang ngayon magpapakamatay para sa bayan.
Hindi mo man nakamit lahat ng pangarap mo, at hindi ka man napasalamatang tunay ng mga nailigtas mo, andito ang pamilyang mong nagmamahal sa iyo.
Ngayong retirado ka na, kami naman alagaan mo! 😛
Love you, Daddy!
Happy Father’s Day!
This is so beautiful, D. 🙂