Tumaas ang balahibo ko pagpasok sa soshaling mall sa baba ng isang hotel sa Pasay City. Hindi dahil nasi-CR ako ha. Kundi dahil ang lamig ng aircon. Wala pa kasi ata sa 50 ang taong nag-iikot sa buong building pero parang galit sa kuryente yung may-ari kung makatodo ng aircon.
Kasama ko ang Familia Provinciated. Konting pasyal matapos makalibre ng tanghalian. Hindi ko first time dun pero, maliban sa Fully Booked at sinehan, di pa ko nangahas pumasok sa mga tindahan dun. Display palang kasi, parang hinahamak na ang purchasing power ko. Tipong kung may P10,000 akong dala, maswerte nang lumabas akong may dalawang pirasong bitbit.
Pero di tulad ko, matapang ang Kuyakoy ko. Siguro dahil di tulad ko, mas may purchasing power naman talaga siya. Pumasok siya sa isang tindahan ng damit. TRUE RELIGION ang pangalan. Never heard. Kaya sumunod ako para makiusyoso. Ang aking mga pamangkin, umupo sa sofa sa loob. Si Father Thunder, nakatayo lang sa labas. Ang Kuyakoy at Ate E, pumipili ng jacket.
Pang-bagets pala ang paninda dun. Mga maong na gutay gutay, mga blouse na hindi tahi ang laylayan. Pero uso naman yung ganun diba? Napatingin ako sa isang lamesa na may nakapaskil na “SALE”. May nakapatong ditong dalawang klaseng maong pambabae. Yung isa kupas na gutay gutay, malalaki ang butas pero may sequins sa bulsa. Sa isip-isip ko, di nagawang ingatan ang tela pero nagawang lagyan ng beads. Ayos ah. Hanggang sa mapatingin ako sa bulsang may dumudungaw na tag.
Tumaas ulit ang balahibo ko. Hindi dahil nasi-CR ako ha. Kundi dahil nakita ko ang presyo…
“P17,000.00”
Nilapit ko ang ulo ko sa lamesa para siguraduhing hindi ako namalik-mata. Baka mali ang tingin ko sa pwesto ng period. Pero hindi, P17,000.00 talaga!!! Agad akong napaatras!
P: E1, E2, alam niyo bang ubod nang mahal dito?!?!
E2: Really, tita?
P: Oo! Itong maong na ito – P17,000! Sale pa ha! Itong blouse P8,000!
E2: OMG!
Napatakbo ako kina Kuyakoy at Ate E! Si Kuyakoy kasalukuyang nagsusukat ng jacket noon.
P: Kuyakoy, sobrang mahal pala dito! (Nakita kong tumaas ang kilay ng saleslady pero wala akong pakialam sa kanya. Nakakaiskandalo ang presyo niyo. Masanay ka na!)
Kuyakoy: Medyo mahal nga dito, sis. Pero nagse-sale sila at maganda ang quality. Itong jacket ang ganda diba?
P: Yung maong dun, P17,000! Yang jacket mo, magkano?
Kuyakoy: (Hindi sumagot. At dahil di siya sumagot, hinila ko na ang etiketa para silipin.)
P: P24,000.00?!?!?!?!?! INAAAAAY! ALAM MO BANG ISANG BUWANG SUWELDO NA NG CALL CENTER AGENT YAN…WALA PANG BAWAS NG TAX?!
Kuyakoy: (Kumunot ang noo. Nabadtrip ata sakin. Pero binitawan din niya ang jacket at binalik sa saleslady.)
Pagkatapos ay tumakbo naman ako palabas kay Father Thunder.
P: Pudra, alam mo bang bente mil ang damit dito?!?! Yang maong sa display, P21,000 yan! Yang blouse na tastas ang laylayan, P8,000!
Father: Talaga?! Isipin mo na lang kung tinahi pa yung laylayan, edi P10,000 na yan.
Oo nga naman! At dahil hindi pa rin ako maka-recover sa tindahang yun. Hanggang makauwi kami, yun ang bukambibig ko.
P: Ne, alam mo bang pumunta kami sa tindahan sa mall na P17,000 ang maong!
Nene: Hala! Ano pangalan ng tindahang yun, ate?
P: TRUE RELIGION. Grabe talaga.
Nene: Baka naman kaya mahal, ate, kasi magbibigay sila sa simbahan.
Natigilan ako. BWAHAHAHAHAHA! POTA KA, NENE! True Religion nga naman! Baka P2,000 lang talaga yung maong. Tapos yung P15,000 sa simbahan o religious organization na mapupunta! Lintik!
Siguro sa taong sobra sobra ang pera, maliit na bagay ang P17,000 lalo na kung fashionable at comfortable ang damit. Pero para sa katulad kong aliping sagigilid, kaya pala siya tinawag na “Distressed Jeans” kasi nakaka-STRESS siya! Jusko! Kaya sa susunod na mapadpad ako sa mall na ‘yun, sigurado nang tataas ulit ang balahibo ko. At pag nangyari yun, didirecho na nga lang ako sa CR para safe. ;P
Hahahhah!!
Pang-alis stress talaga kayo.